Sa
Kasintahang Nilimot Na
Benilda S. Santos
Ang totoo, ayaw na kitang makausap.
Nakakainis kasi ang tawa mo sa telepono.
Lahat ng bagay pinagtatawanan mo—
kahit hindi nakakatawa
nagiging biro sa ‘yo.
Ayaw ko nang ganito.
Pakiramdam ko kasi, maysakit ang tawa mo
at medyo takot akong mahawa pa
sa mikrobyong dala-dala mo.
Ayaw kong manghina pa
ang malusog-lusog nang
kaligayahan ko.
Ngunit alam ko:
makikipagkita pa rin ako sa iyo
alang-alang sa mga alaalang
nakapagpapabanal sa tao
at dahil alam kong
sa likod ng malalakas na halakhak
ang totoo,
hinihingan mo ako ng reseta
sa sakit mo.
Hindi mo alam,
wala na akong maibibigay
na anupamang gamot.
Ang umiibig pala nang tapat sa iba
nagiging maramot.
“Sa Kasintahang Nilimot Na.” Kwadro Numero Uno: Mga Tula. Quezon City: University of the Philippines Press. 2005. 80-81.
No comments:
Post a Comment